MRT-3, magbabawas ng bilang ng bibiyaheng tren simula sa Lunes

by Erika Endraca | July 3, 2020 (Friday) | 43838

METRO MANILA – Mula sa kasalukuyang 16 hanggang 19 na tren na pinatatakbo sa linya ng MRT-3.

Posibleng ibaba na lamang ito sa 10 – 12 train set ang pwedeng bumiyahe simula sa Lunes July 6 ayon sa MRT management.

Ito’y dahil nabawasan din ang mga tauhan ng sumitomo Mitsubishi Heavy Industries na siyang maintenance provider ng MRT-3.

Lumabas sa isinagawang swab testing na 127 sa mga tauhan sa depot ng MRT ang nagpositibo sa covid-19.

Dahil dito, limitado ang operasyon ng mga tren,pero mananatili pa rin ang dating oras ng biyahe.
“Ngayon po ang advise sa atin ng sumitomo base po sa bilang ng available nilang tao ay kaya pa naman po magpatuloy ng operasyon ng MRT-3”ani DOTr Railways, Usec. Timothy John Batan.

124 sa mga tinamaan ng COVID ay pawang mga tauhan ng Sumitomo, habang 3 sa mga ito ay mga staff ng MRT management.

Lahat sila ay nagta-trabaho sa depot o sa basement ng North Avenue station.

Tiniyak naman ng MRT management na tanging ang mga tauhan lamang sa depot ang tinamaan ng virus, at wala sa mga station personnel ang positibo sa COVID-19.

Siniguro rin ng pamunuan ng MRT na hindi nakikisalamuha ang mga station personnel sa sinomang mga nagta-trabaho sa depot.

Upang maiwasan pa ang lalong pagkalat ng virus,magpapatupad ng mas istriktong health protocols ang mrt-management.

“Meron rin po kaming ginawang strict sectional physical segregation sa depot, ang ibig pong sabihin lang nito ay nili-limit po namin ang labas at galaw ng bawat empleyado sa loob ng depot kung saang area lang po sila dapat gumawa dun lang po sila dapat magstay meron rin pong ppe as a requirement po natin” ani MRT-3 Director For Operations, Engr.Michael Capati.

Aagapay pa rin sa limitadong operasyon ng MRT ang bus augmentation para sa mga pasahero.

Samantala,muli ring ipinaalala ng MRT management na sarado ang operasyon ng mga tren ngayong weekend July 4 at 5 upang bigyang daan ang pagpapalit ng mga bagong riles.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , ,