Mountaineer na naaksidente sa Mt. Mayapay sa Butuan City, nailigtas ng mga otoridad

by Radyo La Verdad | January 10, 2018 (Wednesday) | 1927

Kasalukuyang nagpapagaling ngayon sa E.R. Ochoa Maternity & General Hospital sa Butuan City ang mountaineer na si Carlo Caceres.

Nagtamo ng sprain sa kanang paa at sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan si Caceres matapos mahulog sa isang bangin habang pababa sa Mt. Mayapay sa Butuan City.

Lunes nang umaga ng mag-isang inakyat ni Caceres ang bundok. Naligaw ito kaya alas singko na ng hapon niya narating ang tuktok.

Hindi kabisado ni Caceres ang daan pababa kaya nakipag-ugnayan siya sa mga tauhan ng barangay sa pamamagitan ng telepono.

Humingi ng saklolo sa mga otoridad sa Butuan City ang kasintahan ni Caceres kaya napasugod sa Mt. Mayapay ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office.

Hindi agad natunton ang naaksidenteng si Caceres. Hating gabi na nang matagpuan siya ng mga otoridad sa bundok.

Ayon kay Butuan City Police Office Spokesperson PSInsp. Emerson Alipit, walang permit si Caceres ng umakyat ito sa Mt. Mayapay.

Pinapaalalahanan naman otoridad ang mga nagnanais na umakyat ng bundok o gagawa ng mountaineering activities na dapat ay makipag-ugnayan sa kanila upang mabilis na marerespondehan sakaling magkaroon ng emergency.

 

( Raymond Octobre / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,