MOU ng Pilipinas at China kaugnay ng posibleng pagkakaroon ng joint exploration sa WPS, hindi pagtataksil sa bayan – Malacañang

by Radyo La Verdad | November 27, 2018 (Tuesday) | 10109

Tinawag na “Act of Treason” o pagtataksil sa bayan ni Communist Party of the Philippines Founding Chairman Jose Ma. Sison ang pinirmahang memorandum of understanding (MOU) ng Pilipinas at China para sa posibilidad ng joint oil and gas exploration sa West Philippine Sea (WPS).

Sa inilabas na pahayag ni Joma Sison noong Sabado, sinabi nito na hayagang pagta-traydor sa sovereign rights at karapatang paglinang sa likas na yaman ng bansa ang naturang kasunduan. Pagbalewala rin aniya ito sa tagumpay ng bansa sa arbitral ruling na nagsabing ang Pilipinas ang may karapatan sa WPS.

Subalit giit ng Malacañang walang batayan ang mga paratang ni Sison.

Ayon kay Presidential Spokesperon Salvador Panelo, pawang naglalaman lamang ng talking at negotiation points ang nilagdaang MOU.

Samantala, paiimbestigahan naman ng Malacañang sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang isyu ng umano’y harrassment ng Chinese coast guard sa ilang Pilipinong mamamahayag na gumagawa ng documentary sa Panatag Shoal.

Pinayuhan ng Malacañang ang naturang media outfit na magsumite ng pormal na reklamo sa DFA upang makagawa ng karampatang aksyon ang pamahalaan sa naturang insidente.

Ayon kay Panelo, kinakailangang maberipika muna ang reklamo dahil may mga ulat rin aniya na nagsasabing maayos namang pinaki-usapan ng Chinese coast guard ang grupo.

Sakaling mapatunayan na may nangyaring harrasment, sinisiguro ng Malacañang na ipaglalaban nila ang karapatan ng ating mga kababayan.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,