Motorcycle rider patay at isa sugatan matapos sa vehicular accident sa Quezon City

by Radyo La Verdad | January 6, 2016 (Wednesday) | 6312

PATAY
Isang 34 anyos na lalaki ang nasawi habang isa naman ang nasa kritikal na kondisyon matapos mabangga ng suv ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa Barangay Holy Spirit Corner De Leon Street sa Quezon City magaalas onse kagabi.

Kinilala ang nasawing motorcycle rider na si Richard De Mateo na residente ng Sauyo, Novaliches habang nasa malubhang kalagayan Si Jun-Jun Abordo na angkas nito.

Sa inisyal na imbestigasyon ng QCPD Traffic Sector 5 binabaybay ng SUV ang Holy Spirit Drive na minamaneho ni Eva Margaret Kuroki kasama ng kanyang kasintahan nang nabangga nito ang kasalubong na motorsiklo.

Nakaladkad pa ng SUV ang rider habang tumilapon naman ang angkas nito sa kalsada.

Ayon sa nakasaksi, pagewang gewang ang sasakyan bago nito mabangga ang motorsiklo, ngunit inaalam pa ng mga otoridad ang sanhi nito.

Samantala, nagreklamo naman ang isang uber driver sa presinto matapos itong masampal at makalmot ng driver ng SUV.

Ayon sa kanya nang madaanan niya ang pinangyarihan ng aksidente ay kinunan niya ito ng video sa kanyang cellphone ngunit nang makita siya ni Kuroki ay bigla na lang siyang sinaktan.

Pati tauhan ng Barangay Public Safety Officers (BPSO) na rumisponde sa lugar ay sinaktan din ng driver.

Kita naman sa cellphone video ang pagmumura at galit nito sa mga lalaki sa lugar.

Nang puntahan ng mga media sa Traffic Sector 5 kung saan dinala ang driver ay hindi naman ito nagpakita at nagtago sa loob ng cr.

Sa ngayon ay nakadetain na ang babae sa Traffic Sector 5 na nahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting to homicide with damage to property, physical injuries at malicious mischief.

(Reynante Ponte / UNTV Radio Correspondent)

Tags: , , ,