Motorcycle rider na naaksidente sa Edsa, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | April 24, 2018 (Tuesday) | 4180

Nakadapa at hindi makakilos ang lalaking ito nang datnan ng UNTV News and Rescue Team sa southbound ng Edsa Philam, Quezon City pasado alas onse kagabi.

Nagtamo ng sugat sa magkabilang tuhod at namamaga ang bibig ng rider na si Razel Gilva.

Isang taxi driver naman ang nagmagandang loob na huminto at hinarang ang kaniyang sasakyan upang hindi masagasaan ng ibang dumadaang sasakyan ang rider.

Agad nilapatan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue ang mga sugat ng biktima at pagkatapos ay dinala na ito sa East Avenue Medical Center.

Ayon sa barangay tanod na si Anthony Tesorero, bago bumangga, matulin ang pagpapatakbo ni Gilva sa kaniyang motor.

Samantala, pananakit ng ulo at mga sugat sa mukha ang tinamo ni Ritch Gerallya matapos maaksidente ang sinasakyan nitong motor sa Panacan, Davao City kaninang madaling araw.

Ayon kay Gerallya, pauwi na sana sila ng mawalan ng kontrol sa motorsiklo ang driver.

Ayon naman sa nakasaksi sa insidente, matulin ang takbo ng motorsiklo bago ito naaksidente.

Agad binigyan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue si Gerallya habang ang Davao Central 911 naman ang tumulong sa driver.

Matapos malapatan ng first aid ay dinala na ang dalawa sa Southern Philippines Medical Center.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,