Magkatuwang na tinulungan ng UNTV News and Rescue Team at Davao Central 911 sina Weldi Andaya at Yvonne Suazo matapos maaksidente ang sinasakyang motorsiklo sa Shrine Hills, Matina, Davao City kahapon pasado ala una ng madaling araw.
Ayon sa kasamahang rider ng dalawa, naglilibot lamang sila sa lugar ng matumba ang sinasakyang motorsiklo nina Andaya. Nilapatan ng pangunang lunas ng Davao Central 991 si Suazo na nawalan ng malay matapos ang insidente.
Habang ang UNTV News and Rescue Team naman ang naglapat ng first aid kay Andaya na nagtamo ng posibleng bali sa kaliwang kamay at gasgas sa kaliwang paa. Agad namang dinala sa Southern Philippine Medical Center ang mga biktima.
Nilapatan din ng pangunang lunas ng UNTV News ang mga sugat ni Lor Dizon Acuzar matapos mabangga ang sinasakyang motorsiklo sa kasalubong na motor sa kilometer 3 barangay Baan, Butuan City kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Acuzar, galing siya ng inuman bago nangyari ang aksidente. Matapos malapatan ng pangunang lunas ay dinala na ang biktima sa Butuan City Medical Center.
Samantala, gasgas sa kaliwang tiyan at pamamaga ng labi naman ang sinapit ng motorcycle rider na si Edgar Salcedo matapos makabanggaan ang isang taxi sa barangay Nazareth, Cagayan de Oro City kagabi.
Agad namang nilapatan ng first aid ng News and Rescue Team si Salcedo subalit tumanggi na itong magpadala sa ospital.
( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )