Inalis na ng Department of Education ang moratorium sa pagsasagawa ng activity ng mga mag-aaral sa labas ng paaralan gaya ng field trips.
Ang moratorium ay inisyu matapos ang aksidente sa camping trip ng mga estudyante ng Bestlink College of the Philippines sa Tanay, Rizal. Labinglima ang nasawi sa insidente noong Pebrero ng nakaraang taon.
Subalit upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral, naglabas ng bagong guidelines ang Deped para sa mga off campus activities.
Ayon kay DepEd Undersecretary Tonisito Umali, dapat may certificate of roadworthiness ang aarkilahing bus para sa field trip.
Kailangang nakasaad din sa prangkisa ng bus na maari itong gamitin sa field trip at dapat ay hindi pa hihigit sa 10 taon ang tanda ng gagamiting bus.
Dagdag pa ni DepEd Undersecretary Tonisito Umali, boluntaryo at hindi dapat sapilitan ang pagpapasama sa mga mag-aaral sa mga field trip. Nilinaw din ng DepEd na kinikilala nila ang kahalagahan ng educational trips ngunit kinakailangang sumunod sa patakaran para sa kaligtasan ng mga mag-aaral.
Ayon sa Kagawaran, sinomang mapatutunayang lumabag sa panuntunan ay papatawan ng kaukulang parusa.
( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )
Tags: DepEd, moratorium, school field trips