METRO MANILA – Naglabas ng datos ang Philippine Statistics Authority (PSA) noong January 5, 2022 na nagpapakita ng 3.6% monthly inflation rate noong Disyembre, mas mababa ito sa 4.2% noong Nobyembre. Dagdag pa rito, pinakamababa ito na monthly inflation rate sa taong 2021 ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA).
Ang nasabing pagbaba ay bunsod ng pagbagal ng food inflation na nakapagtala ng 3.6% noong Disyembre kumpara sa 4.1% noong Nobyembre.
Naging susi sa pagbaba ng food inflation ay ang pagbaba ng vegetable at fish inflation maliban sa meat inflation na tumaas sa 11.3% noong Disyembre mula sa 10.7% sa nauna nitong buwan. Pinagsisikapan itong pababain ng gobyerno sa pamamagitan ng pag-angkat ng mga karne ng baboy sa labas ng National Capital Region upang mapataas ang local supply ng Pilipinas ayon sa pahayag ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua.
Dagdag pa rito, binibigyang-diin ng NEDA ang rekomendasyon na palawigin ang validity ng Executive Order 133 na nagtataas ng Mininum Access Volume hanggang Disyembre 2022 upang matugunan ang pagkakaroon ng sapat na supply ng karneng baboy sa merkado.
Samantala, nakatulong din ang pagbaba ng non-food inflation na nakapagtala ng 3.7% noong Disyembre mula sa 4.1% noong Nobyembre ng 2021. Isa sa nagpababa rito ay ang pagbagal ng transport inflation na umabot sa 6.1% mula sa 8.8% dahil sa unti-unting pagbaba ng presyo ng krudo na hinahango sa ibang bansa na nagpapababa sa mga lokal na produktong petrolyo.
Sa ngayon ay tinitiyak ni Chua na magiging “promising” ang economic prospects ngayong 2022 sa gitna ng muling paghihigpit dahil sa pagkalat ng mga bagong COVID-19 variant lalo na ng Omicron variant. Hinimok niya rin lahat na magpabakuna at sumunod sa minimum public health standards upang maka-recover sa pandemya.
(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)