Hindi rin kumbinsido si National Economic Development Authority (NEDA) Usec. Rose Edillon na makakaalwan sa isang pamilyang Pilipino ang 10 libong budget sa isang buwan.
Pagtatanggol nito, galing sa survey ang nakuha nilang datos at ginamit lamang itong halimbawa upang maipakita kung ano ang epekto ng TRAIN law sa presyo ng mga bilihin ngayon.
Sa iprinisinta ng NEDA noong ika-5 ng Hunyo, sa sampung libong piso, 3,834 ay napupunta sa pagkain gaya ng bigas at ulam, 158 piso sa bisyo, mahigit sa 6 na libo ay sa non-food items gaya ng damit, bayad sa tubig, kuryente at renta sa bahay na nasa halos 1300 lamang. May nakalaan din para sa kalusugan, transportasyon, komunikasyon at edukasyon.
Pero ang research group na IBON foundation na kritiko ng NEDA ay pinanghahawakan pa rin na dapat ay maging triple pa dito ang halagang dapat na budget ng isang pamilyang Pilipino.
Ang isang pamilya anila na may 5 miyembro ay dapat na may 35 libong piso kada buwan o ang tinatawag na family living wage.
Panawagan naman ng ALU-TUCP na maghinay-hinay sana ang NEDA sa paglalabas ng ganitong pahayag dahil maaaring makaimpluwensya sila sa magiging halaga ng hinihingi nilang umento.
Hinihiling ngayon ng grupo na gawing 800 piso ang minimum wage ng mga manggagawa sa buong bansa dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )
Tags: NEDA, Pilipino, Usec. Rose Edillon