Inamin ni Moro Islamic Liberation Front chief peace negotiator Mohagher Iqbal na marami siyang ginagamit na ‘alias’ o ibang pangalan.
Sa pagtatanong ni Ang Nars party list Rep. Leah Paquiz, sinabi ni Iqbal na natural lamang sa isang kagaya niya na miyembro ng isang revolutionary organization na magkaroon ng maraming pangalan.
Aniya, maging ang mga Pilipinong bayani kagaya nila Jose Rizal at Marcelo del Pilar ay gumamit din ng mga pseudonyms para itago ang kanilang identity.
Nang tanungin kung ano ang tunay nitong pangalan, tumanggi itong sagutin at sinabing alam ng Department of Foreign Affairs ang kanyang tunay na pangalan na nakalagay umano sa kanyang passport.
Pinabulaanan rin nito ang isyu na siya ay isang Malaysian citizen. Aniya, ipinanganak siya sa Pilipinas at nanindigang mabubuhay at mamatay siya sa Mindanao.
Ayon naman kay Government chief peace negotiator Miriam Coronel-Ferrer, ang pangalang Mohagher Iqbal ay isang nom de guerre o war name na ginagamit pa noong magsimula ang peace negotiation taong 1997.
Tags: Kamara, Mamasapano incident, Mamasapano probe., MILF, Mohagher Iqbal