Bagaman bumuhos ang ulan ay ipinagpatuloy pa rin ng mga miyembro ng Save Fabella Movement at ilan pang grupo ng health workers ang protesta sa harap ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital kaninang tanghali.
Ito na ang ika- labingpitong araw ng kanilang protesta at pag-barikada sa harap ng ospital mula pa noong June 1.
Bagaman sinimulan ng itayo ang 44,000 square meters na bago at modernong gusali ng ospital sa San Lazaro Compound Tayuman, Sta Cruz, Manila, panawagan pa rin ng mga health worker at mga nasa komunidad na malapit sa ospital na huwag na itong ilipat.
Bagkus i-modernize ang ospital at maglaan ng pondo upang ayusin ang gusali at i-gawad na ang titulo ng lupa sa ospital gaya ng ginawa sa Philippine Children’s Medical Center.
Pakiusap din ng grupo sa Duterte administration na ikonsidera ang kanilang mga panawagan at huwag ituloy ang anomang planong pagbuwag sa lumang gusali.
Una nang pinabulaanan na ng pamunuan ng Fabella ang pagdemolish sa tinaguriang National maternity hospital kundi nais nilang matiyak ang kaligtasan ng kanilang pasyente kaya nila minabuting magpagawa ng bagong gusali.
Iginiit din nila na hindi magtatanggal ng mga emplyado kundi patuloy ang kanilang paghire ng mga bagong emplyado para sa pagbubukas ng ginagawang gusali.
Nais iparating ng grupo sa susunod na administrasyon sa tulong ng bagong kalihim ng DOH na suportahan ang kanilang panawagan na huwag tuluyang buwagin ang isang institusyon na nagsilbing ikalawang tahanan ng mga nanay na nais ma-isilang ng ligtas at maayos ang kanilang mga anak.
(Aiko Miguel / UNTV Correspondent)
Tags: Dr. Fabella Memorial Hospital, mga health worker, Modernisasyon at paggawad ng titulo ng lupa