Mobile application para makatulong sa mga kaso ng rabies, inilunsad ng Bureau of Animal Industry

by Radyo La Verdad | December 19, 2017 (Tuesday) | 2975

Inilunsad ng Bureau of Animal Industry o BAI ang “Rabies Free 2020” application na makakatulong sa pagsugpo ng rabies sa bansa.

Ayon sa BAI, makikita sa application ang kinaroroonan ng mga Animal Bite Center at kung ano ang mga dapat gawin kung nakagat ng aso o hayop. Target ng Association of Southeast Nation o ASEAN na maging rabies free na ang rehiyon sa 2020. Sa ngayon anila ay nasa 250 ang namamatay kada taon sa bansa dahil sa rabies.

Ayon sa BAI, hindi lang sa kagat ng aso o pusa nakukuha ang rabies kundi kahit sa simpleng kalmot lamang. Tinatayang nasa 10 milyon ang aso sa bansa at kailangang mabakunahan kahit ang 70% lamang nito.

Ilan sa mga lalawigan na may mataas na kaso ng rabies ay ang Pampanga, Pangasinan, Cebu, Iloilo, South Cotabato, Misamis Oriental, Zamboaga City, Bataan, Bulacan, Davao del Sur at Metro Manila.

Nangangailangan ng P140M na pondo ang BAI kada taon para sa programa na libreng bakuna kontra rabies subalit ang nailalaang pondo sa kanila ay nasa P30-40M lamang.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,