MNLF Founder Misuari, tiniyak ang suporta sa isinusulong na pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao

by Radyo La Verdad | November 4, 2016 (Friday) | 1397

misuari
Dumeretso sa Malakanyang si MNLF Founding Chairman Nur Misuari matapos na ibigay mismo sa kaniya ni Presidential Adviser on the Peace Process Jess Dureza ang kopya ng order ng korte na sumususpinde ng kaniyang warrant of arrest.

Halos tatlong taong nagtago si Misuari dahil sa mga kasong kriminal na isinampa laban sa kaniya matapos ang Zamboanga Siege.

Matapos nito, magkasamang nagtungo sina Dureza at Misuari sa Malakanyang upang paunlakan ang paanyaya sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa usapang pangkapayapaan sa Mindanao.

Tiniyak naman ni Pangulong Duterte na wala itong layong sikilin ang kalayaan ni Misuari.

Nagpahayag ng pasasalamat si Misuari kay pangulong duterte dahil sa kaniyang partial freedom.

Tiniyak naman ni Misuari ang kooperasyon ng Moro National Liberation Front sa isinusulong na Bangsamoro peace process ng Duterte Administration.

Ayon Moro leader, matatag pa rin hanggang ngayon ang MNLF at pinabulaanang mahina na ang pwersa nito.

Iginiit din nitong nasa kaniya pa rin ang simpatya ng karamihang Moro group sa Mindanao.

Naniniwala si Misuari na si Pangulong Duterte ang makapagdudulot ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao kaya tutulong din siyang matiyak na matatapos din ni Pangulong Duterte ang kaniyang anim na taong termino.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,