Hindi maaaring ipatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang smoking ban sa mga pampublikong lugar at sa mga lansangan sa Metro Manila batay sa ruling ng Court of Appeals kahapon.
Ibinasura ng CA ang petisyon ni MMDA Chairman Francis Tolentino matapos katigan ng appellate court ang desisyon ng regional trial court sa Mandaluyong na sinasabing hindi maaaring ipatupad ng MMDA ang Republic Act 9211 o ang Tobacco Regulation Act of 2013 dahil hindi ito miyembro ng Inter-Agency Committee-Tobacco na siyang may ekslusibong kapangyarihan na magpatupad ng naturang batas.
Nakasaad sa resolusyon ng CA na kahit ang mga ordinansang ipinapatupad ng mga lokal na pamahalaan ay hindi maaaring ipatupad ng MMDA dahil hindi naman ito inaatasan ng mga LGU na manghuli ng mga lalabag sa naturang batas
Hindi tinanggap ng CA ang katwiran ni Tolentino na may otoridad ang MMDA na magpatupad ng mga batas at ordinansa na may kinalaman sa environmental protection, dahil nakasaad ito sa Republic Act No.7924, ang charter ng MMDA.
Ayon sa CA, walang police at legislative power ang MMDA at tanging kapangyarihang administratibo lamang ang hawak ng naturang ahensya.
Ang mga miyembro ng IAC-Tobacco na may kapangyarihan na ipatupad ang RA 9211 ay ang Department of Agriculture, Department of Justice, Department of Environment and Natural Resources, Department of Science and Technology, Department of Education, ang National Tobacco Administration, ang kinatawan mula sa industriya ng tabako at isa pang kinatawan mula sa mga non-government organization na nominado ng Department of Health.