Nakatanggap ng 20 bagong unit ng body cameras ang Metropolitan Manila Development Authority kahapon mula sa donasyon ng pribadong kumpanya.
Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, malaking tulong ang mga ito sa kanilang mga tauhan upang mai-record ang iba’t-ibang insidente at traffic violations ng mga motorista na kanilang nahuhuli araw-araw.
Paliwanag ng MMDA, ang lahat ng makukunang video ay magsisilbing ebidensiya, sakaling magkaroon ng reklamo ng pang-aabuso, pagmamalupit o pagsasamantala laban sa kanilang mga enforcer.
Sampung taon nang nagta-trabaho bilang traffic enforcer sa MMDA si Mang Roland Ojano, sa araw-araw ng kaniyang pagmamando ng trapiko, aminado ito na marami na siyang naka-engkwentro na mga pasaway na motorista.
Ngayong araw, sinimulan nang gamitin ng mga traffic enforcer ang 20 body camera sa pagmomonitor nila ng traffic sa kahabaan ng Edsa. Ang ipinamahaging body cameras ay nagkakahalaga ng halos sampung libong piso ang kada unit.
Mayroon itong 32 gig micro sd memory card, at tumatagal ang baterya ng hanggang 8 oras. Sakaling maubusan ng baterya, maari rin itong i-charge gamit ang powerbank.
Bukod sa natanggap na donasyon, plano rin ng MMDA na bumili ng karagdagang mga bodycam sa susunod na taon.
Mahigpit namang ipinag-utos ni Chairman Danny Lim sa mga traffic enforcer ang palagiang pagsusuot ng body camera sa buong oras na sila ay nakaduty.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: body camera, MMDA traffic enforcers, pasaway na motorista