MMDA, problemado sa basurang bumabara sa mga pumping station

by Radyo La Verdad | June 11, 2018 (Monday) | 3452

Tambak ng basura ang pumping station na ito ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Pandacan, Maynila.

Ang mga tauhan ng MMDA ang mano-manong nagtatanggal ng basura upang maayos na gumana ang pumping station.

Mayroong limampu’t apat na pumping station sa buong Metro Manila at ito ang tumutulong upang mabilis na mapahupa ang tubig baha kapag may malakas na ulan.

Kamakailan ay ini-upgrade ng MMDA ang lahat ng mga pumping station upang maihanda ito sa pagpasok ng tag-ulan.

Subalit ayon sa ahensya, wala itong silbi kung patuloy na mababarahan ng basura ang mga pumping station

Ayon sa MMDA, hindi maiiwasan ang pagbaha sa Metro Manila dahil mayroong mabababang lugar o yung tinatawag na catch basin.

Target ngayon ng ahensya na mapahupa ang baha sa mga naturang lugar dalawa o tatlong oras lamang, hindi gaya dati na inaabot ng magdamag bago mawala ang baha.

Nagbabala naman ang MMDA sa mga opisyal ng barangay na hindi man lamang nililinis ang mga estero na nasasakupan nila.

Nililibot ng MMDA ang mga estero sa buong Metro Manila upang linisin at kailangang mapanatili ito ng mga barangay captain.

Ipinaliwanag naman ng MMDA na may pataan naman sila para sa ibang opisyal na nakatira sa mga downstream na kung saan naiipon ang mga basura mula sa iba’t-ibang lugar.

Ilang opisyal ng barangay na rin ang naireklamo ng MMDA sa Ombudsman dahil sa kapabayaan sa paglilinis ng mga estero.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,