MMDA, pormal nang nagsumite ng reklamo sa LTO para kanselahin o suspendihin ang lisensya ni Maria Isabel Lopez

by Radyo La Verdad | November 14, 2017 (Tuesday) | 4798

Hindi sapat ang paghingi ng paumanhin upang palampasin ng Metropolitan Manila Development Authority ang ginawa ng aktres at dating beauty queen na si Maria Isabel Lopez na paglabag sa batas trapiko.

Kaugnay ito sa ginawang pagtanggal ni Lopez sa divider cones ng MMDA upang makapasok ang kaniyang sasakyan sa ASEAN lane at sinundan pa umano siya ng ibang motorista. Ang insidente, ipinost pa nito sa kaniyang social media account.

Kahapon ay pormal nang naghain and MMDA ng reklamo  laban kay Lopez sa Land Transportation Office. Sa letter complaint, kahiya-hiya, unlawful at breach of security protocol sa isang international event ang ginawa ni Lopez kaya hindi ito nararapat magmaneho ng sasakyan.

Dagdag pa ng ahensya, delikado ang ginawa nito dahil posible siyang mapagkamalang masamang tao na may planong hindi maganda sa mga delegado.

Bukod sa pagpasok sa ASEAN lane, ayon sa MMDA, gumagamit pa si Lopez ng telepono habang nagpapatakbo ng sasakyan na paglabag sa Anti –Distracted Driving Act.

Ayon naman sa Land Transportation Office, iimbestigahan nila ang kaso ni Lopez kung nararapat bang suspendihin o kanselahin ang lisensya ng aktres.

Nag-issue ng show cause order ang LTO at inatasan si Lopez na humarap sa pagdinig nito sa Nov. 16.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,