METRO MANILA – Kasalukuyan ng pinag-aaralan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga posibleng alternatibo sa concrete barriers sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) para sa kaligtasan ng mga motoristang dumadaan dito.
Ayon kay MMDA Officer-in-Charge General Manager Romando Artes, tinitingnan nila ang posibilidad ng paggamit ng bollards imbes na concrete barriers na ginagamit sa paghihiwalay ng Edsa busway mula sa iba pang pribado at pampublikong sasakyan.
Binigyang diin din niya na hindi angkop gamiting kapalit ang orange plastic barriers dahil magaan at madali itong lumutang kung umuulan at madali ring nawawala sa pagkakalinya kapag natamaan ng sasakyan.
Anoman ang mapili ng ahensya bilang kapalit ng concrete barriers ay nararapat na mapanatili nito ang exclusivity ng bus lane at higit na maproteksyonan ang mga motorista.
Dagdag pa ni Artes, bagama’t 2,000 “highway-grade” streetlights at kabi-kabilang safety signs na ang nakapwesto sa kahabaan ng EDSA, 90% pa rin ng mga naitalang aksidenteng kaugnay ng concrete barriers ay mga nagmamanehong lasing, nakatulog o gumagamit ng mobile phones.
Kamakailan lang ay 3 Philippine Air Force personnel ang naitalang patay dahil sa pagkakasalpok ng kanilang sasakyan sa concrete barriers sa P.Tuazon tunnel, Barangay Bagong Lipunan sa Crame, Quezon City. Napag-alaman din na nakainom ng alak ang nakaligtas na driver ng sasakyan gamit ang breath analyzer test.
(Rachel Reanzares | La Verdad Correspondent)