MMDA nakahanda na sa posibleng banta ng bagyong Ulysses at Covid-19

by Erika Endraca | November 11, 2020 (Wednesday) | 29084

METRO MANILA – Nakataas na sa red alert status ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) maging ang mga gagamiting emergency vehicles bilang paghahanda nito para sa anomang posibleng banta na dulot ng bagyong Ulysses at Coronavirus disease 2019.
Sa pahayag ni MMDA Chairman Danilo Lim, ito ay upang mabawasan ang anomang balakid na haharapin sa pagresponde sa oras na manalasa ang bagyo at upang maiwasan ang pagkakahawa sa kumakalat na nakamamatay na virus.

Nakipagugnayan na rin ang ahensya sa mga Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC) ng Metro Manila upang maihanda ang publiko sa posibleng dulot ng sakuna.

Naatasan naman ang Metropolitan Public Saftey Office (MPSO) sa pagmomonitor sa galaw ng bagyo at sa posibleng pagbaha dulot ng malakas na pagulan. Habang nakatutok sa pangkalahatang operasyon ng ahensya ang Metro Manila Crisis Monitoring and Management Center (MMC-MMC) sa MMDA Command Center (Metrobase).

Ilan pa sa mga naatasang frontline personnel ay galing sa Public Safety Division, Road Emergency Group, Metro Parkways Clearing Group, Traffic Engineering Center, Flood Control and Sewerage Management Office, Traffic Discipline Office, Rescue Battalion, at Metro Manila Emergency Volunteer Corps.

Samantala, kaninang alas 2 ng hapon (Nov. 11) ay naitaas na sa tropical cyclone wind signal No. 3 ang buong Metro Manila maging ang ilang probinsya sa Luzon dahil sa patuloy na paglakas ng bagyong Ulysses.

(Syrix Remanes | La Verdad Correspondent)

Tags: , ,