MMDA, nagsagawa ng clearing operations sa Malacañang Complex

by Radyo La Verdad | November 8, 2017 (Wednesday) | 3234

Inalis ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang estante ng mga illegal vendor sa barangay 641, zone 66 sa Maynila kaninang umaga.

Pinagbabaklas din ang mga istrukturang nakaharang sa sidewalk. Pinaalis din at pinagsabihan ang mga may-ari ng sasakyan na nakaparada sa hindi tamang lugar.

Isinagawa ang clearing operations sa layuning maging model community ang mga barangay sa palibot ng Malacañang.

Matapos masimulan ang paglilinis sa isang komunidad, ang barangay naman ang may obligasyon na magtutuloy nito. Binigyan ng MMDA ng dalawang linggo ang barangay upang tuluyang linisin ang kanilang lugar.

Ayon sa MMDA, walang kaugnayan sa magaganap na ASEAN Summit ang isinagawang operasyon kundi pagpapatupad ng mandato ng ahensya.

Inamin naman ng mga namamahala sa barangay ang kanilang pagkukulang kaya nagiging marumi ang kanilang kapaligiran.

Ayon sa MMDA, kung sakaling hindi nasunod ang kasunduan ay idederetso nila ang reklamo sa Department of  the Interior and Local Government upang mabigyan ng karampatang parusa ang mga opisyal ng barangay.

 

( Rajel Adora / UNTV Correspondent )

Tags: , ,