MMDA nagpaalala sa pagsikip ng daloy ng trapiko sa Metro Manila ngayong Biyernes

by Radyo La Verdad | November 9, 2015 (Monday) | 1532

MACKY_TRAPIKO
Nagpaalala ang Metropolitan Development Authority sa mga motorista sa pagbigat ng daloy ng trapiko ngayong Biyernes dahil inaasahan na marami sa mga taga Metro Manila ang luluwas sa Probinsya upang samantalahin ang mahabang bakasyon sa susunod na linggo kaugnay ng idaraos na APEC Summit.

Ayon sa MMDA, asahan na ang bulto ng pasahero at motorista na pupunta sa mga provincial bus terminal at paliparan.

Upang makatulong naman na mapaluwang ang kalsada sa darating na APEC Summit na dadaluhan ng dalawampu’t isang delegado na lider ng ibat-ibang bansa kabilang na si US President Barack Obama, minabuti ng pamahalaan na magkansela ng pasok sa opisina at paaralan.

Walang pasok sa mga opisina ng gobyerno at walang klase sa all levels ang buong Metro Manila mula November 17 hanggang November 20. Habang ang mga pribadong opisina ay magsasara rin mula November 18 hanggang November 19.

Inumpisahan na ring lagyan ng plastic barrier ang kahabaan ng Edsa Shaw Boulevard hanggang sa Mall of Asia na eksklusibong dadaanan ng mga delegado ng APEC.

Tatlumpung minuto ding pahihintuin ang mga motorista sa mga naturang kalsada kapag may dadaang delegado bilang bahagi ng security measures.

Lahat ng maaapektuhang motorista ay padadaanin ng MMDA at PNP-HPG sa Mabuhay Lanes bilang alternatibong ruta at ipatutupad pa rin ng MMDA ang number coding scheme habang idinaraos ang APEC Summit.(Macky Libradilla/UNTV Radio Correspondent)

Tags: , ,