MMDA, naglabas ng traffic scheme para sa mga motoristang maaapektuhan ng MRT-7 construction

by Radyo La Verdad | January 22, 2018 (Monday) | 3707

Sabado ng gabi ay isinara na ang dalawang lane sa North Ave. sa pagitan ng Veterans Memorial Medical Center at Agham Road dahil sa pagsisimula ng konstruksyon ng MRT-7.

Kasabay naman nito ang pagbigat ng daloy ng mga sasakyan sa lugar kaya hanggat maaari ay pinaiiwasan na sa mga motorista ang North Ave. Kaugnay nito ay naglabas ng traffic scheme ang MMDA para sa mga maaapektuhang motorista.

Kung pupunta ng Commonwealth Ave., mula North Ave. ay kumaliwa sa Mindanao Ave. Pagkatapos ay kumanan sa Road 8, kanan sa Visayas Ave., dire-diretso papunta ng Elliptical Road at kumanan sa Commonwealth Ave. papunta ng inyong mga destinasyon.

Kung manggagaling ng Mindanao Ave., bagtasin lang ang kahabaan ng Congressional Ave., pagkatapos ay kumanan sa Luzon Ave. palabas ng Commonwealth Ave. at maaari ng puntahan ang destinasyon. Inaasahan na tatagal ang konstruksyon sa Phase 1 ng MRT 7 sa North Ave. ng isang taon.

Una ng humingi ng pasensya ang Malacañang sa publiko sa abalang dulot ng konstruksyon.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang abalang ito ay panandaliang hirap lamang kapalit ng pangmatagalang ginhawa lalo na sa public commuters.

 

( Macky Libradilla / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,