Ilang kalsada sa Pasay City at Maynila ang isasara sa mga motorista bilang bahagi ng ipatutupad na seguridad sa nalalapit na 31st ASEAN Summit and Related Meetings na inaasahang dadaluhan ng 22 heads of state. Simula sa Miyerkules, magkakaroon na ng partial lockdown of CCP Complex sa Pasay.
Pagdating naman ng Sabado, Nov. 11, hindi na maaaring daanan ng mga motorista at pedestrian ang buong SMX-MAAX Block sa Pasay. Nov. 12 naman ang implementasyon ng complete lockdown sa CCP Complex.
Ang Roxas Blvd. naman, simula sa Padre Burgos Ave. to Buendia Ave. at Manila ay isasara na pagsapit ng alas dose uno ng madaling araw ng Nov. 13, Lunes.
Habang magkakaroon naman ng partial lifting ng lockdown sa SMX-MAAX Block sa kaparehong oras. Pagsapit naman ng alas dose ng tanghali, muling bubuksan ang isinarang bahagi ng Roxas Blvd.
Mananatiling namang sarado ang CCP Complex hanggang sa November 14. Ngunit pagsapit ng alas dose ng tanghali ng Miyerkules, Nov 15, ay ipatutupad na ang partial lifting ng lockdown dito.
Samantala, magpapatupad din ang MMDA ng stop and go scheme sa mga daraanan ng convoy ng heads of state tulad ng SCTEX at kahabaan ng NLEX hanggang makalabas ng Edsa.
Ekslusibong ilalaan ang dalawang innerlane ng Edsa Southbound sa pagdaan ng convoy. Iiral rin ang stop and go scheme sa may Jose Diokno Boulevard, hanggang sa may Entertainment City sa Pasay City, gayundin ang ilang bahagi ng Ayala Avenue at McKinley Road.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: 31st ASEAN Summit, MMDA, Pasay