MMDA maglalagay ng mga bakod sa Edsa para mabawasan ang traffic

by Erika Endraca | August 8, 2019 (Thursday) | 3062

MANILA, Philippines – Nagdudulot ng sakit ng ulo sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang palipat lipat na lane ng mga pribado at pampublikong sasakyan.

Iyon umano ang nagiging sanhi ng bumper to bumber na traffic sa kahabaan ng Edsa. Gaya umano ng nangyaring mabigat na daloy ng trapiko nitong Lunes hanggang kahapon (August 6-7).

“Ang mga pasaway na city bus andon na sa private lane sa 1st lane nung naglitawan ang ang mga enforcers nagpasukan sila bumalik, nung bumalik sila puno na hinarangan nila yung mga kalsada.” ani MMDA Undersecretary Jojo Garcia.

Ang solusyon na nakita ng MMDA ay maglagay ng bakod o fence sa Edsa para wala nang sasakyang makakalipat ng kanilang lane at target nilang mailagay iyon bago matapos ang taon.

“The whole Edsa stretch lalagyan natin ng fence ang opening lang nyan ay loading and unloading bays, intersection and establishments with minimum of 3 meters easement pag wala isasara natin yan.” ani MMDA Undersecretary Jojo Garcia.

Pero binigyang diin pa rin ng MMDA na ang pagbabawas ng mga bus sa Edsa ang isa sa solusyon sa traffic. Kaya naman ganun nalang ang pagnanais nila na ipatupad ang provincial bus ban sa Edsa.

Samantala, itinuloy ng MMDA ang dry run sa provincial bus ban Kahapon (August 7) pero hindi obligado ang mga bus operators at drivers na sumunod. Dismayado naman  si MMDA Traffic Chief Edison Bong Nebrija dahil kakaunting bus operator ang nakiisa sa dry run.

Sa ngayon ay magsusumite si Nebrija  ng ulat kay MMDA Chairman Danny Lim upang mapagdesisyunan kung itutuloy pa ito sa mga susunod na araw o tuluyan nang kakanselahin.

(Grace Casin | Untv News)

Tags: ,