MMDA, maglalaan ng fire lane sa EDSA

by Radyo La Verdad | March 8, 2017 (Wednesday) | 1579


Isang espesyal na linya sa kahabaan ng EDSA ang itatalaga ng Metropolitan Manila Development Authority para sa mas mabilis na pagresponde ng mga bumbero kapag mayroong sunog.

Sa isinagawang Metro Manila Council Meeting kanina, dumalo ang mga kinatawan mula sa Bureau of Fire Protection-NCR, kung saan hiniling ng mga ito sa MMDA ang pagkakaroon ng fire lane sa ilang mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Partikular na itatalaga ng MMDA bilang fire lane ang motorcycle lane sa EDSA.

Bago ang pormal na pagpapatupad, magsasagawa muna ang MMDA ng dry-run upang makita ang aktwal na magiging epekto nito sa daloy ng mga sasakyan.

Inaasahang masisimulan ang implementasyon ng fire lane, bago matapos ang buwan ng Marso.

Sa ngayon ay sa EDSA muna maglalagay ng fire lane ang MMDA habang pinagaaralan pa ang ibang lugar na maaaring magkaroon nito.

Bukod sa fire lane, hiniling rin ng BFP-NCR sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin pa ang implementasyon ng anti-illegal parking campaign sa kanilang mga nasasakupan.

Simula January hanggang February ngayong taon, nakapagtala na ang BFP-NCR ng mahigit sa anim na raang insidente ng sunog, at isa sa mga pangunahing sanhi nito ang faulty electrical connection.

Bunsod dito paiigtingin pa ng BFP-NCR ang kanilang fire prevention campaign, kung saan lilibot ang mga bumbero sa mga komunidad, upang ipaalam sa mga tao ang iba’t-ibang pamamaraan upang maiwasan ang sunog, kaalinsabay ng pagdiriwang ng Fire Prevention Month.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , ,