MMDA hindi maglalagay ng special lane para sa mga atleta at delegadong dadalo sa opening ng SEA Games.

by Erika Endraca | November 29, 2019 (Friday) | 26176

METRO MANILA – Walang balak ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na maglaan ng special lane para sa mga atleta at delegadong lalahok sa opening ng SEA Games 2019 na gaganapin sa Philippine Arena sa Bulacan sa Sabado.

Ayon kay MMDA Spokesperson Assistant Secretary Celine Pialago, sapat na ang ginawa nilang simulation noong nakaraang Linggo para sa SEA Games.

“May escorts naman po ito ng mga hpg at kaya nga tayo nagkaroon ng simulation para matiyak natin anong oras ba dapat umalis yung ating mga bisita at atleta sa kanilang mga billeting hotels para makarating po on time sa Philippine Arena,so hindi na natin nakikita importansya ng pagkakaroon pa ng isang lane para lang po sa SEA Games” ani MMDA Spokesperson Assistant Secretary Celine Pialago.

Paiiralin ng MMDA sa Sabado, ang Stop and Go Traffic Scheme,kung saan pansamantalang pahihintuin ang mga sasakyan kapag dadaan ang convoy ng mga kalahok at bisita sa SEA Games. Paglagpas ng convoy, muling ibabalik ng mga enforcer ang normal na daloy ng mga sasakyan. Istriktong ring ipatutupad ng ahensya ang yellow lane policy kung saan mahigpit na pagbabawalan ang mga pribadong sasakyan na dumaan sa yellow lane.

Kaugnay nito inabisuhan ng MMDA ang mga motorista na asahan na ang matinding traffic sa Sabado, hindi lamang sa Edsa kundi maging sa North Luzon Expressway, South Luzon Expressway at iba pang mga pangunahing kalsada gaya ng Roxas Boulevard,Lawton,Taft Avenue at Mindanao Avenue.

Sisikapin umano ng MMDA na maisaayos ang pagdaan ng nga convoy upang hindi gaanong makaapekto sa trapiko.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,