MMDA at health expert, hindi pabor na i-obliga ang booster dose card sa business establishments        

by Radyo La Verdad | February 4, 2022 (Friday) | 23205

Iminumungkahi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship at Go Negosyo founder Joey Concepcion na gawin nang requirement ang booster dose card sa mga business establishment sa National Capital Region.

Aniya, maiging masimulan ang requirement sa booster dose card pagsapit ng Marso o Abril.

Bunsod ito sa pagbaba ng efficacy ng primary series ng Covid-19 vaccines makalipas ang ilang buwan.

Kaya mahalaga rin aniya na mabakuhan ng booster dose upang patuloy na maproteksyunan ang mga mamamayan laban sa malalang impeksyon ng naturang sakit.

“In Manila, we should now enforce that this booster cards be shown. You have to bring your vaccination card and your booster card”, ani Sec. Joey Concepcion, Presidential Adviser for Entrepreneurship.

Ngunit para kay Infectious Disease Specialist Doctor Edsel Salvaña, hindi pa napapanahon ipatupad ito ng pamahalaan.

Paliwanag ng eksperto, dapat pa ring bigyang pyaroridad ng pamahalaan ang pagbabakuna ng primary series sa mas marami pa nating mga kabababayan.

Ito ay upang maproteksyunan ang malaking bahagi ng populasyon laban sa Covid-19.

“Malayo pa tayo doon sa mabo-boost natin ang lahat ng tao sa ngayon kasi marami pa rin ang hindi nabibigyan ng unang course nung vaccination, yung tinatawag natin na primary series. So, i think mahirap na gawin ‘yun kasi masyadong maraming tao ang hindi pa natin nabo-boost”, ayon kay Dr. Edsel Salvaña, Infectious Disease Specialist.

Maging si MMDA Chairman Benhur Abalos, hindi rin sang-ayon na gawin nang requirement sa mga establishment ang booster dose card.

Muling binigyang diin ng pamahalaan na dapat ay patuloy na sundin ang health protocols at pagpapabakuna upang makarating ang bansa sa endemic stage ng Covid-19.

Asher Cadapan | UNTV News

Tags: , , , , ,