MMC, maglalabas ng panuntunan sa pagpapaputok ngayong holiday season

by Radyo La Verdad | December 5, 2022 (Monday) | 4251

METRO MANILA – Plano ng Metro Manila Council (MMC) na muling magtalaga ng firecracker zones sa bawat Local Government Unit (LGU) sa National Capital Region (NCR) ngayong holiday season.

Ayon kay MMC President at San Juan City Mayor Francis Zamora, layon nito na maging ligtas at mapayapa ang lahat kasabay ng pagpasok ng taong 2023.

Partikular na dito ang paggamit ng paputok na karaniwan nang nagdudulot ng aksidente sa daan-daang indibidwal kada taon.

Bunsod nito, binubo na ng Metro Manila Council ang mga panuntunan sa paggamit ng mga paputok sa kalakhang Maynila para sa darating na holiday season.

Kinumpirma naman ng Philippine National Police na hindi naman magpapatupad ng total ban sa paggamit ng paputok.

Ayon kay PNP Civil Security Group Director Police Major General Eden Ugale, regulation o pag kontrol lamang aniya ang ipinatutupad ngayon sa Pilipinas.

Ngunit bawal pa rin ang pagbebenta at paggamit ng mga malalakas na paputok.

Kabilang dito ang mga overweight o sobra sa timbang na mga paputok na umaabot sa mahigit sa 1/3 teaspoon o may katumbas na 0.2 gramo o higit pa na explosives.

Bawal rin maging ang sobrang laki o oversized na mga paputok, may fuse o mitsa na sobrang liit at nauubos sa kulang 3 segundo, o sobrang haba naman na mahigit sa 6 na segundo bago maubos.

Hindi rin pinapayagan ang mga imported at walang label na paputok, o may halong sulphur o phosphorous at chlorates.

Kabilang naman sa mga pinapayagan lamang na mga paputok o firecrackers ay ang baby rocket, bawang, small triangulo, pulling of strings, paper caps, el diablo, watusi, judas belt at sky rocket o kwitis.

Habang sa mga pailaw o pyrotechnics naman, tanging ang luces, jumbo, mabuhay, roman candle, trompillo, airwolf, whistle device at butterfly lamang ang pinapayagan.

Batay sa Republic Act 7183, sino mang mahuhuli na lumalabag sa naturang mga safety guidelines ay maaaring magmulta ng P20,000 – P30,000 o pagkakakulong ng aabot sa 6 na buwan hanggang 1 taon.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,