Matapos ang mahigit dalawang taong pagtugis ng mga alagad ng batas, nahuli na kahapon ng mga tauhan ng Manila Police District Station 11 ang isa sa miyembro ng nutoryus na Colangco at Osamis robbery holdup group.
Kinilala ang suspek na si Jocelyn Hernandez alyas Nikki, 41 anyos na may standing warrant of arrest sa kasong robbery with homicide.
Ayon kay MPD Station 11 Officer in Charge P/Supt Emerey Abating, nahuli si alyas Nikki sa SM North EDSA na mamimili sa isang grocery store.
Matagal nanahimik umano ang kinabibilangang grupo ng suspek matapos mapatay ang ilan sa mga pangunahing miyembro sa ilang police encounter.
Si alayas Nikki ang nagsisilbing lookout ng group kapag mayroong hoholdaping banko o money changer sa Metro Manila at Bulacan nag-o-operate ang naturang robbery holdup group.
Patuloy pa rin ang paghahanap sa natitirang miyembro ng dalawang kilabot na grupo at itinuturing ng PNP na malaking kabawasan sa krimen ang pagkakadakip kay alyas Nikki.
Ayon kay alyas Nikki matagal na siyang humiwalay sa grupo at walong taon na siyang nagtatrabaho bilang spotter ng isang kilalang banko kung saan siya ang nagmamasid kung may kahinahinalang tao sa loob at labas ng naturang banko at nakapasok din siya sa isang security agency.
Ayon sa mga otoridad, subject of verification ang impormasyong nakapasok sa security agency ang suspek.
Nakakulong na sa MPD Station 11 si alyas Nikki upang harapain ang mga kasong nakasampa sa kanya.
(Benedict Galazan/UNTV Radio)
Tags: alyas Nikki, Colangco at Osamis robbery holdup group, Manila Police District Station 11