Missionary visa ni Patricia Fox, kinansela ng Bureau of Immigration

by Radyo La Verdad | April 26, 2018 (Thursday) | 4225

Pinawalang bisa na ng Bureau of Immigration (BI) ang missionary visa Australianong madre na si Patricia Fox.

Oras na matanggap niya ang order ng BI, inaatasan siyang umalis ng Pilipinas sa loob 30 araw.

Sa isang pahinang order na nilabas ng BI noong Lunes, sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente na napatunayan nilang si Fox ay nakikiisa sa mga partisan political activities na mahigpit na pinagbabawal sa Immigration Act of 1940.

Nilinaw naman ni Immigration Spokesperson Atty. Antonette Mangrobang na nakapending pa sa BI special prosecutor ang deportation case ni Fox at maaari pa siyang magsumite ng kaniyang counter affidavit. Maari ring bumalik ng bansa si Fox pero bilang isang turista.

Kinundina naman ng mga grupong kasama ni Fox ang desisyong ito ng BI.

Ayon kay Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao, isa itong malinaw na banta laban sa nga foreign citizens na sumusuporta sa iba’t-ibang sektor sa bansa lalo na sa mga magsasaka at indigenous people.

Si Sen. Ban Aquino naman, nais paimbestigahan sa Senado kung mayroong pang-aabusong nagawa ang pamahalaan sa pagpapadeport sa mga foreign nationals.

Pero si Senate President Koko Pimentel, wala namang nakikitang mali dito.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, tama ang desisyon ng immigration bureau na pawalang bisa ang missionary visa ni fox.

Dumaan ito sa proseso, inimbestigahang mabuti at napatunayang lumabag si Fox sa terms at conditions ng kaniyang visa.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,