Makukulay na costume at kumplikadong mga disenyo bilang representasyon ng kani-kanilang mga bansa ang iminodelo ng mga kandidata ng Ms. Universe 2018 sa ginanap na national costume competition sa Pattaya, Thailand.
Napuno ng mga tao ang Nice Convention and Exhibition Center, Nongnooch Garden upang masaksihan ang siyamnapu’t apat na mga dilag na rumampa sa runway kagabi.
Kabilang sa mga agaw-pansin sa pageant ang India, Thailand, Japan, Laos, Japan at ang pambato ng Pilipinas na si Catriona Gray.
Sa national costume ni Catriona ay nai-showcase niya ang mayamang kultura ng Pilipinas mula sa accessories na galing sa Mindanao, body suit mula sa Visayas at ang malaking lantern na gawa sa Luzon.
Ipinahayag ng ilang Filipino supporters ang kanilang opinyon kay Catriona at sa kaniyang national costume, at kung sinu-sino ang nagustuhan nila kagabi.
Hindi mawawala sa mga dumating ang mga Pilipinong dumayo pa mula sa iba’t-ibang panig ng mundo maipakita lang ang suporta sa pambato ng Pilipinas na si Catriona Gray.
Maging mga banyaga ay nabighani sa national costume ni Catriona, kabilang na si Ms. Universe Thailand 2012 Farida Waller.
Ang mananalo sa ginanap na national costume competition ay aabangan sa darating na coronation night sa ika-17 ng Disyembre.
Tags: Catriona Gray, Miss Universe, Pilipinas