Minimum na pasahe sa pampasaherong jeep, balik na sa otso pesos

by Radyo La Verdad | February 6, 2017 (Monday) | 1847


Simula sa February 24, araw ng Biyernes, ay otso pesos na uli ang minimum fare sa lahat ng mga pampasaherong jeep na bumibiyahe sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON at MIMAROPA Regions.

Kanina, inaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang petisyong inihain ng ilang transport group na humihiling ng pisong dagdag pasahe sa mga jeep.

Ang minimum fare hike ay bunsod na rin ng patuloy na pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo sa merkado.

Makatuwiran naman para sa National Center for Commuters Safety ang ipatutupad na dagdag-pasahe para makabawi sa kita ang mga tsuper ng jeep.

Samantala, bukod sa mga pampasaherong jeep ay inaprubahan na rin ng LTFRB ang petisyon ng ilang taxi operators at drivers na ibalik na sa kwarenta pesos ang flag down rate.

Subalit paglilinaw ng LTFRB, sakop lamang nito ang mga taxi company na kinabibilangan ng Panay Taxi Operator, Cebu Taxi Operators at Philippine National Taxi Operators Association.

Sa ngayon, tanging flagdown rate pa lamang nadedesisyunan ng LTFRB dahil pag-aaralan pa nila ang iba pang isinusulong na dagdag-singil ng taxi operators.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: ,