Minimum na buwanang sahod ng mga empleyado ng gobyerno, hiniling na gawing P16K

by Radyo La Verdad | June 7, 2018 (Thursday) | 1810

Ramdam ng mga empleyado ng gobyerno ang epekto ng pagtaas ng mga presyo ng bilihin. Kaya naman panawagan ng mga ito sa pamahalaan na taasan na rin ang kanilang minimum na buwanang sahod.

Ayon kay Ferdinand Gaite ng Conferedation for Unity, Recognitoin and Advancement of Government Employees (COURAGE), nais nila itong maging 16,000 piso mula sa sweldo ngayon na salary grade 1 na 10,510 piso lamang.

Mas maliit pa anila dito ang kinikita ng mga kawani na nasa local government units kung saan ang 6th class municipality ay nasa 6,831 piso lang ang minimum na kita kada buwan.

Kung ang mga sundalo at pulis anila ay nagawang doblehin ang sahod, sana’y mabigyan din ng pansin ang kanilang kahilingan.

Hindi umano sila tutol sa pagtataas ng sahod ng mga unipormadong tauhan ng gobyerno subalit may pangangailangan din umano sila na dapat matugunan.

Ayon naman kay NEDA Usec. Rose Edillon, inaasahan nilang sa mga susunod na buwan ay magiging stable na ang presyo ng mga pangunahing bilihin dahil paparating na ang inangkat na bigas ng NFA.

Posible rin aniyang bumaba ang presyo ng langis dahil sa isasagawang OPEC meeting ngayong buwan. Ang bigas at langis ang itinuturong dahilan kung bakit tumaas ang inflation rate sa bansa.

Mula din aniya sa Setyembre ay matatanggap na ng nasa 10 milyong pinakamahihirap sa bansa ang subsidiya o unconditional cash transfer mula sa gobyerno na bahagi ng pagpapatupad ng TRAIN law.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,