Minimum health standards vs. COVID-19, isasama na rin sa Disaster Preparedness modules – NDRRMC

by Erika Endraca | September 24, 2020 (Thursday) | 2267

METRO MANILA – Isasali na ang minimum health protocols sa mga disaster preparedness measures ng pamahalaan batay sa inilabas na memorandum number 54 ng NDRRMC.

Hindi na basta-basta lilikas ng mga tahanan ang mga residente maliban na lamang kung kinakailangan o may ipatutupad na pre-emptive evacuation.

Kung lalabas ng bahay, dapat ay naka-mask at susunod sa physical distancing , lilimitahan na rin ang bilang ng mga evacuees na pwedeng i-accommodate sa isang evacuation facility.

“Isang room ay kasing size ng isang classroom, ang nangyayari po ngayon is two to three families lang of 5 persons each ang pwedeng makagamit ng room na ‘yun.”ani NDRRMC Spokesperson, Mark Timbal.

Hindi naman pwedeng gamitin bilang evacuation center ang anomang pasilidad na ginagamit bilang COVID-19 quarantine facility.

Gagamit na rin ng face mask, face shield at gloves ang mga rescuer na magsasagawa ng rescue operations at pre-emptive evacuations. May mga naka standby din dapat na full body ppe para magamit ng mga rescuers kung kinakailangan.

“Ang atin pong reglamento kasi dyan ay masigurado na lahat ng empleyado ng gobyerno na involve sa response ang mga volunteers at saka mga response organizations natin, rescue organizations at protektado pa rin against covid-19 kahit na patuloy po ang pagtatrabaho for disaster response.”ani NDRRMC Spokesperson, Mark Timbal.

Mayroon namang bukod na medical team na nakatalaga para mag evacuate sa mga COVID-19 positive na kailangan mailikas,

Magtatalaga din ng designated distribution area ang mga lgu kapag mamamahagi ng relief goods para mabawasan ang physical contact at masigurong nasusunod ang physical distancing protocol.

Payo rin ng NDRRMC sa publiko, maghanda ng emergency go bag na naglalaman ng inyong mga pangangailangan sa panahon ng sakuna o kalamidad.

(Vincent Arboleda | UNTV News)

Tags: