Minimum Health Standards sa COVID-19, isasali na sa disaster preparedness plan ng bansa – NDRRMC

by Erika Endraca | September 9, 2020 (Wednesday) | 4088

METRO MANILA – Naniniwala ang mga eksperto na bagaman patuloy na nagsasagawa ngayon ng clinical trials sa vaccine laban sa COVID-19, mananatili pa rin ito ng ilang taon.

Pero sa gitna ng pandemya, hindi naman nawawala ang panganib na dala ng mga sakuna at kalamidad

Dahil dito, nagdesisyon ang Office of Civil Defense (OCD) at ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na isama na ang mga ipinatutupad na minimum health standards sa mga disaster preparedness plan ng bansa.

Inaatasan na rin ng NDRRMC ang mga lokal na Pamahalaan at pribadong sektor na mag update ng kanilang contingency plans.

“If you have your public service continuity plan or your business continuity plan for the private sector and of course the contingency plan for earthquake or whatever hazard that we may have, paki update na po natin sila. Let us update it focusing or let it be COVID-19 sensitive.”ani NDRRMC Dir. Susana Juangco.

Para naman maihanda ang komunidad sa anumang sakunang posibleng mangyari sa gitna ng COVID-19 pandemic, inaanyayahan ang publiko na makiisa sa isasagawang simultaneous earthquake drill sa September 10, 2020.

Sa pamamagitan ng facebook livestream, isasagawa ang ceremonial pressing of the button – ang hudyat ng simula ng duck, cover and hold procedure na ginagawa sa panahon ng lindol.

Kapag nasa bahay, siguraduhin na maisuot muna ang face mask at face shield bago lumabas pagkatapos ng duck cover and hold procedure.

Kung nasa opisina naman, siguraduhin din na nakasuot pa rin ang mga ito at tiyaking nasusunod ang physical distancing palabas sa isang open area.

Kapag maraming tao sa designated area, kada pamilya ang grouping na gagawin sa lugar.Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, nais ng pamahalaan na maging responsable ang bawat myembro ng pamilya upang maging handa sa anomang sakuna o pandemya.

“Kung masisiguro po natin na hindi magkakahawaan sa mga bahay at kung masisiguro po natin na pag lumabas tayo ng bahay ay protektado lahat tayo laban sa covid-19 malaking bagay po yan sa prevention program ng ating pamahalaan.”ani DILG Usec. Jonathan Malaya.

(Vincent Arboleda | UNTV News)

Tags: ,