Minimum fare ng Grab, kinuwestyon ng LTFRB

by Radyo La Verdad | May 30, 2018 (Wednesday) | 7964

Pinagpapaliwanag ngayon ng Land Tranportation Franchising and Regulatory Board ang pamunuan ng Grab Philippines kaugnay ng kanilang sinisingil na minimum fare.

Ito’y matapos muling magreklamo si PBA Party-list Representative Jerico Nograles sa laki ng sinisingil ng naturang transport network company. Batay sa fare structure ng Grab, 80 piso ang minimum fare para sa Grab car service habang 125 piso naman sa Grab premium o SUV.

Nilinaw naman ng LTFRB, na kahit hindi ito naipaalam sa board, wala pa silang plano na suspendehin ang implementasyon nito. Sa halip ay inatasan lamang ang Grab na ipaliwanag kung anu-ano ang batayan ng nasabing fare structure.

Iginiit naman Grab na hindi nila inilihim sa LTFRB at mga pasahero ang naturang sistema sa pamasahe dahil makikita naman anila ito sa mismong application oras na magbook sila ng ride.

Ipinaliwanag rin ng Grab na ang naturang fare system ay ipinatutupad kung less than 3 kilometers ang destinasyon ng pasahero at ginagawa nila ito upang matiyak na well compensated ang kanilang mga driver.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,