Minimum fare na P11 sa traditional jeep, P13 sa modern PUJ, ipatutupad nationwide simula bukas

by Radyo La Verdad | June 30, 2022 (Thursday) | 14278

METRO MANILA – Ramdam na rin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang epekto ng patuloy pa ring pagtaas sa presyo ng langis lalo pa sa operasyon ng mga Public Utility Jeepney (PUJ).

Kaya naman dinoble ng LTFRB ang nauna na nitong inaprubahang P1 provisional fare increase noong June 8 alinsunod sa petisyon na inihain ng ilang transport groups.

Epektibo nationwide simula bukas (July 1), magiging P11 na ang pansamantalang pamasahe sa mga tradisyunal na PUJ sa unang 4 na kilometro.

Habang gagawin nang P13 ang minimum fare sa mga modern PUJ.

Wala namang dagdag singil sa mga susunod na kilometro sa alin mang jeep.

Para sa ilang public commuter, nauunawaan nila ang dagdag pasahe na ito sa mga jeep.

Sa susunod na administrasyon, nakatakda namang desisyunan ng papalit na board ang petisyon para sa permanenteng dagdag-pasahe na P14 at P15 na minimum fare.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: , ,