Minimum 1-week ECQ extension sa NCR plus, inaprubahan ni Pres. Duterte

by Erika Endraca | April 5, 2021 (Monday) | 3236

METRO MANILA – Hanggang April 11 pa magtatagal ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR Plus o Metro Manila at 4 na kalapit lalawigan ng Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan.

Sa gitna pa rin ito ng nakababahalagang COVID-19 surge sa rehiyon.

Subalit posible pa itong mapalawig depende sa magiging Covid-19 situation ngayong Linggong ito.

Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, ang extension ay batay sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force kontra Covid-19 kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Sabado.

Sa loob ng naturang panahon, paiigtingin ng mga lokal na pamahalaan ang tinatawag na Prevent-Detect-Isolate-Treat -Reintegrate (PDITR) scheme ng pamahalaan.

“Niri-require po natin ngayon na magkaroon nang daily monitoring ang mga lokal na pamahalaan, ang ating mga MTF-SARS para po malaman natin kung ano iyong resulta nang pinaigting natin na PDITR. Kasama po diyan sa PDITR na tinatawag natin ay iyong pagbabahay-bahay, paghahanap noong mga mayroong sintomas at pagsa-subject sa kanila sa PCR testing at sa isolation.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Kaalinsabay nito ang mas mahigpit pang pagpapatupad ng public health standards ng mga lokal na pamahalaan.

Sakali namang maging epektibo ang scheme na ito at mapababa ang daily COVID-19 cases, maaaring magdesisyon ang pamahalaan na bahagyang luwagan ang quarantine restrictions.

“Itong one week pong ito – matapos po ng one week kung napatunayan po natin na gumagana ang ating PDITR eh pupuwede naman po tayong mag-mecq sa susunod na Linggo pero titingnan po muna natin ang resulta nang karagdagang ECQ.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Iniulat naman ni Sec. Roque na ngayong Linggong ito, magdadagdag ang pamahalaan ng 110 moderate at severe bed capacity para sa COVID-19 patients sa Quezon Institute sa Quezon City.

(Rosalie Coz | UTV News)

Tags: ,