Minahang bayan sa Itogon Benguet, inaasahang mabubuksan na sa Disyembre

by Radyo La Verdad | November 22, 2018 (Thursday) | 22954

Nakumpleto na ng lokal na pamahalaan ng Benguet ang mga kinakailangang dokumento para sa aplikasyon nito na maging minahang bayan ang walumpung ektaryang lupain sa bayan ng Itogon.

Ayon sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Cordilerra Administrative Region.

Nasuri na rin anila ang lugar at napatunayan na ligtas itong gawing small scale mining site.

Kaya naman, nagsumite na sila ng rekomendasyon sa opisina ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu upang pormal nang maaprubahan ang Itogon, Benguet bilang minahang bayan. Target ng MGB na masimulan ang operasyon nito sa Disyembre.

Bukod sa Itogon, isa pang bayan sa Benguet ang target gawing minahang bayan ng lokal na pamahalaan.

Kapag pormal nang nabuksan ang minahang bayan, makikinabang dito ang nasa apat na libong mga minero sa Benguet na nawalan ng hanapbuhay matapos na ipatigil ng DENR ang operasyon ng small scale mining sa buong Cordillera Region.

Ito ay matapos ang nangyaring killer landslide sa Brgy. Ucab, Itogon, Benguet noong ika-15 ng Oktubre dahil sa malalakas na pag-ulan na dala ng Bagyong Ompong, kung saan umabot sa 62 ang nasawi.

Samantala, uumpisahan na rin ng MGB Cordillera at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang inspeksyon sa mga lugar kung saan nakatayo ang mga gusali ng DPWH sa rehiyon.

Kaugnay ito ng utos ni Secretary Mark Villar na tiyaking sa ligtas na lugar nakatayo ang mga opisina at proyekto ng kagawaran.

Ito ay upang hindi na maulit ang nangyari sa Barangay Habawel, Natonin, Mt. Province sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Rosita kung saan natabunan ng gumuhong lupa ang ginagawang gusali ng DPWH.

 

( Grace Doctolero / UNTV Correspondent )

Tags: , ,