Militar, positibo ang pananaw sa posibleng pag-uwi sa Pilipinas ni CPP Founder Joma Sison

by Radyo La Verdad | May 26, 2016 (Thursday) | 2383

ROSALIE_SISON
Sa ekslusibong panayam ng UNTV News Team sa The Netherlands kay Communist Party of the Philippines Founder Joma Sison, inihayag nito ang posibleng pag-uwi sa Pilipinas sa Hulyo o Agosto ngayong taon.

Ito ay sa kondisyon ng pagpapalaya sa lahat ng political prisoners gaya ng una nang ipinangako ni President-Elect Rodrigo Duterte.

Para naman sa Armed Forces of the Philippines na pangunahing katuwang ng pamahalaan sa pagsupil sa armadong pakikipaglaban sa mga makakaliwa, suportado nito ang anumang hakbang ng pamahalaan upang matapos na ang higit apat na dekadang suliranin ng bansa sa insurgency.

Kung maipagpapatuloy at maisasakatuparan ang pangmatagalang usaping pangkapayapaan sa Communist Party of the Philippines- National Democratic Front at New People’s Army, ang mga tauhan ng militar at pulisya ang unang makikinabang.

Tatlumpung taon na rin ang nakalilipas mula nang tangkain ng pamahalaan sa pamamagitan ni dating Pangulong Corazon Aquino na makipagkasundo sa makakaliwang grupo.

Libo-libong sundalo at rebelde na rin ang nasawi dahil sa sigalot ng magkabilang panig.

Kaya naman para sa militar, isang magandang balita kung nangangahulugan ng cease-fire agreement ang paguwi sa Pilipinas ni Sison.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,