MILF, tiwalang makakamit ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao sa ilalim ng Duterte Administration

by Radyo La Verdad | August 15, 2016 (Monday) | 3404

ROSALIE_SEC.DUREZA
Sa kauna-unahang pagkakataon sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, nagharap ang negotiating peace panel ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front sa Kuala Lumpur, Malaysia upang umpisahan na ang pagpapatupad sa mga unang napagkasunduan ng dalawa sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.

Ayon kay Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza, direktiba ni Pangulong Duterte ang agarang pagpapatupad nito kahit na hindi pa naipapasa ang magsisilbing implementing rules and regulations nito na Bangsamoro Basic Law.

Tiwala naman ang MILF na may political will si Pangulong Duterte upang tuluyan nang maipasa ang batas.

Kabilang din sa mga nagtungong kinatawan ng pamahalaan sa Kuala Lumpur, Malaysia sina House Speaker Pantaleon Alvarez at House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas upang bigyang-katiyakan ang MILF na ang kasalukuyang kongreso ay kaisa ni Pangulong Duterte sa pagkakamit ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.

Tiniyak naman ni Sec. Dureza na aakma sa panukalang Federal System of Government ang bubuuing Bangsamoro government entity.

Samantala, mas palalawigin pa ang bilang ng mga miyembro ng Bangsamoro Transition Committee kung saan isasama na rin ang Moro National Liberation Front na isa namang welcome development para sa MILF.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,