Mighty Corp. owner, makikipagtulungan sa imbestigasyon kaugnay ng fake tax stamps

by Radyo La Verdad | March 8, 2017 (Wednesday) | 1789


Nangako ang may-ari ng Mighty Corporation na si Alexander Wong Chu King na makikipatulungan sila sa imbestigasyon sa mga pekeng tax stamps.

Kasama ni Wong Chu King ang kanyang abogado na si Atty. Sigfrid Fortun nang makipagpulong kahapon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre.

Napag-usapan sa pulong ang imbestigasyon ng BIR sa mga pekeng excise tax stamps sa mga pakete ng mighty cigarettes na nasamsam ng customs sa San Simon, Pampanga noong nakaraang linggo.

Ayon pa kay Atty. Fortun, hindi na itutuloy ang pag aresto kay Wong Chu King gaya ng naunang iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa umano’y economic sabotage.

Hindi rin aniya napag-usapan sa pulong ang umano’y tangkang panunuhol ng may-ari ng kumpanya kay Pangulong Duterte.

Kahapon ay inihayag ni Pangulong Duterte na isang negosyante ang nagtangkang manuhol sa kanya noong alkalde pa lamang siya ng Davao City,bagamat hindi ito pinangalanan ng pangulo ay tinukoy naman ni Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo si Wong.

Nilinaw naman ng NBI na wala pang kaso sa ngayon laban kay Wong Chu King ngunit ipapatawag nila ito sakaling magkaroon na ng pormal na imbestigasyon.

Tags: , ,