MGCQ sa NCR, posible kung patuloy ang pagbaba ng covid-19 daily attack at death rate – Malacañang

by Erika Endraca | October 19, 2020 (Monday) | 2403

METRO MANILA –Pag-aaralan ng pamahalaan sa pamamagitan ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung maaari nang mas luwagan ang quarantine status sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kung magtutuloy-tuloy ang pagbaba ng attack rate gayundin ang improvement ng health care capacity, maaaring ilagay sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Metro Manila.

Batay sa pinakahuling ulat ng pamahalaan, mas mababa na sa 1 ang R-naught rate ng Metro Manila. Ang R-naught ang bilang ng mga nahahawa ng isang infected person.

Dagdag pa ng palace official, dedepende rin sa patuloy na pagsunod ng mga residente sa ipinatutupad na minimum health standards upang mapigilan ang lalo pang paglala ng Covid-19 situation sa NCR.

Tulad ng pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay at pag-iwas sa malalaking pagtitipon.

Hanggang sa October 31, araw ng Sabado, iiral ang kasalukuyang General Community Quarantine (GCQ) sa rehiyon.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,