Mga walang booster shot vs COVID-19, dapat limitahan ang paglabas – Sec. Concepcon

by Radyo La Verdad | April 8, 2022 (Friday) | 13765

METRO MANILA – Marami pang paraan para mahikayat ang publiko na magpabakuna para sa kanilang proteksyon at para hindi masayang ang mga donasyon at biniling COVID-19 vaccines ng pamahalaan at ng pribadong sektor.

Ayon pa kay Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, kaysa pilitin silang magpabakuna ay limitahan na lang ang kanilang paglabas.

Gaya ng ginawa dati sa mga hindi bakunado, maaari rin itong maging aplikable sa mga wala pang booster shots.

Ayon pa sa restriction sa mobility ng mga wala pang booster, maaaring bigyan din sila ng incentive para lalong mahikayat na magpaturok na ng dagdag proteksyon kontra COVID-19.

Pabor din ang health experts sa panukalang ito ni Concepcion.

Bukod dito, nais din ni Philippine College of Physicians President Dr Maricar Limpin na magkaroon na lang ng hiwalay na booster vaccination card ang mga Pilipino.

Maging si Vaccine Expert Panel Member Chairperson- Technical Working Group for COVID-19 vaccines Dr. Nina Gloriani, naniniwalang paso ang vaccination cards ng mga matagal nang nakakumpleto ng kanilang primary series

Sa ngayon ay tinatalakay ng mga ospisyal ng pamahalaan kung gaano katagal ang validity ng vaccine cards ng mga Pilipino at kung kanino akma ang terminong “fully vaccinated”.

Ayon pa sa health experts, kailangan maintindihan ng publiko na mahalaga ang booster shots at huwag lang basta maniniwala sa mga kumakalat na impormasyong makasasama ito.

Nangngamba ang mga eksperto na kapag hinid pa rin tumaas ang booster vaccination rate sa Pilipinas sa gitna ng mga banta ng bagong COVID-19 variants, hindi malayong magkaroon muli ng panibagong surge ng COVID-19 cases gaya ng projection ng Octa Research Team.

Hindi dapat mabalewala at pakampante ang publiko na pababa na ang kaso ng COVID-19 sa bansa kaya mahalaga pa rin ang pagbabakuna kalakip ng iba pang safety at health protocols kontra covid-19

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,