Mga turista, namangha sa mga higanteng sand sculpture sa Singapore

by Radyo La Verdad | September 20, 2018 (Thursday) | 3276

Naging adhikain ni Jooheng Tan, isang Singaporean sculptor na ipalaganap ang kultura ng sand sculpture sa Southeast Asia.

At sa ika-21 taon niya sa kanyang propesyon, malawak at malaki na ang naging kontribusyon nito sa larangan ng paglililok.

Kasama ang 14 na mga batikan ding manglililok galing sa iba’t-ibang bansa, pinangunahan ni Jooheng ang pagbuo ng mala-higanteng eskultura ng mga bantog na tauhan sa Marvel mula sa The Avengers at Guardians of the Galaxy.

Ang kanilang mga obra na gawa mula sa buhangin ay itinampok sa Sentosa Sandsation, sa baybayin ng dinadayong Siloso Beach.

Pinakamahirap na hamon sa kanilang paglilok ng superheroes ang paggamit ng buhangin mula sa dagat.

Ayon kay Jooheng, pinakamatibay at karaniwang gamit sa sand sculpture ay ang buhanging makukuha sa ilog. Ibinihagi niya rin ang sikreto ng matibay na eskultura.

Nakasalalay sa dami ng tubig sa compacting process at ang mabusising pagtapos ng carving process.

Napahanga sa mga obrang gawa sa buhangin ang mga turista na unang pagkakataong bumisita sa Sentosa.

Bukod sa sand sculpture ng mga sikat na superheroes, naglagay din ng ibat’-ibang mga Marvel themed activities ang mga organizer na maaaring lahukan ng mga bisita habang naglilibot sa Siloso Beach.

Ilan sa mga ito ay ang sand sculpting workshop para sa mga bata, live graffiti painting at movies by the beach.

Pinakamalaking sand festival sa Southeast Asia ang Sentosa Sandsation at nagsimulang maging tanyag noong 1999.

Ang Marvel edition ang ikalawang taon ng collaboration ng Singapore Tourism Board at ng The Walt Disney Company Southeast Asia.

 

( Queenie Ballon / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,