Mga transaksyon sa DOT, bubusisiin ng bagong talagang kalihim

by Radyo La Verdad | May 11, 2018 (Friday) | 2506

Personal na iisa-isahin ni incoming Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat ang mga transaksyon sa Department of Tourism (DOT).

Dapat aniyang alam ng namumuno sa ahensya ang mga detalye ng mga kontrata at dapat ay dumaan sa maayos na bidding.

Pagtutuunan din nito ng pansin ang isyu kaugnay sa kontrobersyal na P60M placement ad ng kagawaran na naging dahilan ng pagbibitiw ng dating kalihim na si Wanda Teo.

Nangako si Puyat na iingatan ang pangalan ng kanyang pamilya na mga dati na ring naglingkod sa gobyerno.

Kahit pa aniya noong kalihim ng DFA ang kanyang ama na si Alberto Romulo ay hindi nito ginagamit ang pribilehiyo gaya na lamang sa pagkuha ng passport.

Bilib naman si Puyat sa slogan ng DOT na “It’s more Fun in the Philippines” kaya’t posibleng ipagpapatuloy na lamang ito sa pag-akit ng mga turista na bumisita sa bansa.

Agad na makikipagpulong si Puyat kay Wanda Teo para sa pagpapalit ng posisyon.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,