METRO MANILA – Posibleng ilabas na bukas (July 1) o sa Miyerkules (July 2) ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pinal na guidelines para sa pagbabalik-operasyon ng mga tradisyunal na jeep.
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, tatapusin na nila ang listahan ng mga rutang bubuksan pa, kaya’t maari nang makabiyahe ang mga ito sa Huwebes o Biyernes (July 2 o 3).
Pero tumanggi pa ang LTFRB na tukuyin kung ilang unit ng tradisyunal na jeep ang kanilang papayagan na pumasada, pero maari umanong madagdagan pa ang 30 ruta na nauna nang naianunsyo ng ahensya.
“Binubuo pa po natin yung listahan ng mga ruta ng tradisyunal jeepney, but we’re looking at Thursday or Friday na magdeploy na yung mga traditional jeepneys on the routes that will be identified”.ani LTFRB Chairman, Atty.Martin Delgra III.
Tulad ng ibang pampublikong sasakyan, obligado rin na kumuha ng special permit ang mga tradisyunal na jeep na magbabalik pasada at kinakailangang pasado sa emission testing at road worthiness test.
Samantala, muli namang iginiit ng Department of Transportation na hindi nila isinasabay sa pandemya ng COVID-19 ang pagpapatupad ng public utility modernization program.
Katwiran ng DOTr, 2017 pa nang umpisahan ng pamahalaan ang puv modernization at sinusunod lamang nila ang orihinal na timeline nito.
Subalit para sa ilang transport group, hindi katanggap tanggap ang katwiran na ito ng DOTR at naniniwalang, sinasamantala ng gobyerno ang sitwasyon upang maisakatuparan ang PUV modenrization.
Muling nanindigan ang DOTr na inaayos lamang nila ang bulok na sistema, na sa huli ay ang mga driver, operator at mga pasahero ang pare-parehong makikinabang sa maayos at ligtas na pampublikong transportasyon.
(Joan Nano | UNTV News)