METRO MANILA – Habang nalalapit ang deadline ng franchise consolidation sa December 31 ngayong taon, may agam-agam ang mga transport group na mape-phaseout na ang mga tradisyunal na jeep pagpasok ng unang araw ng 2024 dahil mawawalan na ng bisa ang prangkisa ng mga hindi sasali o bubuo ng kooperatiba o korporasyon.
Ang franchise consolidation ang unang hakbang ng PUV modernization program (PUVMP) na naglalayong pag-isahin ang mga operator na may indibiwal na prangkisa ng mga tradisyunal na jeep sa pamamagitan ng pagbuo ng mga kooperatiba o korporasyon.
Nilinaw ng LTFRB ang umano’y maling pagkaintindi ng mga transport group dahil pagkatapos ng deadline sa December 31 ay makakabyahe pa rin naman ang mga tradisyunal na jeep at hindi ito agad papalitan ng mga modernong jeepney dahil maaari itong magdulot ng transport crisis.
Sa ngayon, pinagpapasa ng LTFRB ang mga operators ng tradisyunal na jeep ng kanilang petition for consolidation bago pa ang deadline sa December 31.
Ayon kay LTFRB Spokesperson Celine Pialago, mas pinadali na ito dahil nasa 2 page lang ang kanilang kailangang ipasa bilang pagpapakita na nais talaga nilang makiisa sa modernisasyon na isinusulong ng gobyerno.
Ang petition for consolidation ang magbibigay karapatan sa LTFRB at sa Land Transportation Office (LTO) upang suriin ang kanilang mga tradisyunal na unit kung roadworthy pa ito at maaari pang makabyahe sa susunod na taon kahit hindi pa palitan ng modernong jeep.
(JP Nunez | UNTV News)
Tags: LTFRB, LTO, Traditional Jeepney