Mga tradisyon ngayong darating na long holiday, ipagbabawal sa buong Maynila mula Marso 28-Abril 4

by Erika Endraca | March 19, 2021 (Friday) | 48678

METRO MANILA – Ipagbabawal ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang mga tradisyong Katoliko sa Semana Santa mula Marso 28 hanggang Abril 4 ngayong taon dahil sa banta ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sa ilalim ng Executive Order No. 9 na nilagdaan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, mahigpit na ipinagbabawal ang pabasa, senakulo, Visita Iglesia, prusisyon at iba pang mga pagtitipon sa darating na holiday season.

Alinsunod sa mga regulasyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ay ipatutupad din ang liquor ban, curfew hours, physical distancing at pagsusuot ng face mask at face shield.

Humingi naman ng paumanhin ang alkalde at nagbigay ng payo sa mga residente ng naturamg lungsod.

“Magnilay-nilay po tayo sa ating sari-sariling mga tahanan. Magdasal po tayo kasama ang ating pamilya, at humingi ng awa sa Diyos na matapos na sana ang pandemyang ito,” ang pahayag ni Mayor Isko Moreno Domagoso.

(Rhuss Egano | La Verdad Correspondent)

Tags: ,