Mga trader o middle man, pinagpapaliwanag ng DTI sa mataas na patong sa presyo ng mga bilihin

by Radyo La Verdad | August 30, 2018 (Thursday) | 3122

Kamakailan ay natuklasan ng Department of Trade and Industry (DTI) na malaki ang itinataas ng halaga ng mga bilihin sa mga palengke dahil sa dami ng patong na presyo mula sa mga dinadaanan nito.

Kaya naman binigyan na ng letter of inquiry ng kagawaran ang mga traders o middle man upang ipaliwanag ang tungkol dito.

Kahit ang isang consumer group, naniniwala na isa sa dahilan ng pagtaas ng presyo ay ang mga trader. Kabilang dito ang tinatawag na disposer, consolidator, middle man at wholesaler.

Sa Quezon City, nakipag partner ang probinsya ng Ilocos Norte sa lokal na pamahalaan upang makatulong sa mga consumer na makabili ng murang bilihin. Lahat ng paninda ay mula sa mga magsasaka at direkta na sa mga mamimili.

Para sa magsasaka na si Mang Gerardo, tinatamad na silang magtanim noon dahil hirap silang maibenta ang kanilang mga produkto, pero dahil sa tulong ng pamahalaan ay nababagsak na nilang direkta ang kanilang paninda sa mga mamimili.

Ayon sa DTI at Laban Konsyumer, kung mawawala ang mga ito, malaki ang maitutulong nito sa mga consumer lalo na at tumataas ang presyo ng mga bilihin.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,